Isang Pampublikong Pahayag: Ang Ating Mga Lungsod ay Mapang-api (A Public Advisory: Our Cities Are Oppressive)

Rodelon Ramos
4 min readDec 31, 2021

Sa bansang Pilipinas, higit sa dalawampung porsyento ng mga Pilipino ay lugmok sa kahirapan. Magmasid tayo sa paligid, sa gitna ng isang pandemya, maraming salat, maraming buto’t balat.

Higit sa 3 milyong katao ang walang tirahan sa Kamaynilaan

Siyam na porsyento ng kabuuan ng mga mahihirap na Pilipino ay nasa Maynila. Katumbas nito ang higit sa 2 milyon na mahihirap na tao. Nagsisiksikan at umaasang giginhawa ang kanilang buhay.

Katumbas yan ng higit sa kalahating milyong pamilya.

Tinatayang higit sa isang milyong katao o higit sa dalawang daang libong pamilya, ang nakatira sa mga barong barong at hindi sapat at matibay na uri ng bahay.

1 sa bawat apat na katao rito ay nangungupahan o hindi sa kanila ang bahay na tinitirhan, gayundin ang lupa kinatitirikan nila.

Sa Kamaynilaan naitala ang pinamaraming bilang ng building permit na na-issue ng pamahalaan sa nakalipas na mga taon, ngunit dito rin ang pinakamataas na bilang ng mga walang matirhan, at nakatira sa hindi sapat at ligtas na pabahay.

Higit sa kalahating milyong indibidwal ang wala o limitado ang access sa malinis at naiinom na tubig.

Halos dalawang milyon at kalahating katao ang may limitado, hindi sapat at walang nagagamit na palikuran.

Higit sa isandaang libong pamilyang informal settlers, o higit sa kalahating milyong katao ang nasa matinding panganib ng pagbaha at iba pang sakuna, at nasa peligro ang buhay.

Tanungin natin ang ating mga sarili. Nasubukan na ba nating mangupahan dahil wala tayong sariling bahay? Kelan huling tumulo o tumagas ang tubig ulan sa ang ating mga bubong? Nilubog na ba ng baha ang ating mga bahay?

Hindi ba gawa sa konkreto at bakal ang ating mga tirahan? Natupok na ba ng apoy ang ating mga tahanan? Hindi ba malinis at hindi naiinom ang tubig na dumadaloy sa gripo natin? Wala ba tayong sariling banyo na nagagamit para sa pagligo at pagdumi?

Kung hindi naman natin masagot ang mga ito, marahil ay kabilang tayo sa bahagi ng populasyon na may maayos at sariling bahay na gawa sa ligtas at angkop na materyales.

Para sa karamihan sa atin, ang pagkakaroon ng bahay ay isang mataas at hindi maabot na pangarap, isang pribilehiyo. Ito ang mapait na realidad na hinaharap ng karamihan ng mga Filipino.

Sa kabila nito, maraming komunidad ang humaharap sa mga hamon ng lungsod.

Marami na ang nangagarap, gumagawa ng paraan at nakikipag bunong braso sa kahirapan. Marami nang maralitang tagalungsod ang humuhubog ng kanilang kinabukasan sa kabila ng mapag-kait na kalungsuran.

May mga kooperatiba sa pabahay na nagpaplano ng pang-masa at abot-kayang pabahay, may mga NGO at CSO na tumutugon sa kawalan ng aksyon ng gobyerno ukol sa pabahay at mga ligtas na komunidad.

May mga bangko na nagbibigay ng pautang na may mababang interes sa mga nagnanais magkaroon ng sarili o mauupahang bahay malapit sa trabaho.

May mga negosyong naglalayong gumawa ng mga matibay at abot-kayang materyales para sa pang-masang pabahay

May mga progresibong lider na tumututok sa paggawa ng mga ordinansa, polisiya at programa hinggil sa sapat at ingklusibong pabahay at mga komunidad.

Maraming mga nonprofit at social enterprise ang tumutulong sa pagsagot sa kawalan disenteng pabahay para sa mga arawan ang kita. Halimbawa nito ang AUDEO, CUBO Modular, Base Bahay, CitiHUB at People Pods.

May mga umuusbong na din na mga social enterprise na mas nagiging maparaan at humahanap ng makabagong ideya upang maampat ang krisis sa pabahay, kawalan ng mga serbisyo at urbanisasyon.

Isa na dito ang aming grupo na RADIC, na binubuo ng mga bata at propesyonal na arkitekto na naglalayong maging ligtas, masagana at mayabong ang ating mga lungsod sa pamamagitan ng pagbuo ng mga solusyon at disenyo na angkop sa mga gagamit nito.

Ngunit, dito na ba nagwawakas ang ating krisis? Sapat ba ang mga inisyatibong ito upang pagyamanin at paangatin ang ating mga lungsod, at ang mga umaasa dito?

Ating isipin, kung tayong lahat ay magbubuklod, susuriin ang problema sa ating mga komunidad, tutulong at magbabahagi ng oras, mas bubuti ang kalagayan ng ating mga lungsod. Kailangan namin ang tulong mo.

Ang mga repormang panglungsod ay hindi lamang trabaho ng mga arkiteko, mga engineer, mga kontratista, mga developer at mga bangko, hindi lamang mandato ni mayor, ni konsehal, at ni kapitan- lahat tayo ay may maiaambag sa kahit na anong paraan, dahil lahat tayo ay parte ng ating mga lungsod.

Ang mga pinaka-mauunlad at pinaka-ingklusibong lungsod sa mundo ay mga lugar kung saan ang bawat isa ay kasali sa pagbabago, walang naiiwan, walang naaapi, lahat ay umaangat, lahat ay nakikinabang. Ang mga mamamayan ay kabahagi ng pag-unlad at mga programang tumutulong umangat ang bawat isa — mahirap man o hindi.

Aking uulitin, ang ating mga lungsod ay mapang-api, dahil hinahayaan natin ito. Ang ating mga lungsod ay sya ding sagot upang mapabilang at marinig ang sinuman, sa kabila ng antas sa lipunan at buhay.

Ang lungsod ay para sa lahat, at hindi para sa iilan lamang, dahil lahat tayo ay kumukuha at nagbibigay dito. Kailangan nating mapunuan ang ating kinuha, at kelangan ibalik ang lumabis sa ating pangangailangan.

May mga mukha at kwento at pangalan sa likod ng bawat numero at istatistika. Kilalanin at tulungan natin silang kumawala sa gapos ng kahirapan, lahat tayo ay may magagawa.

--

--

Rodelon Ramos

Rodelon Ramos is a Filipino architect/urban practitioner. He likes to write about public interest design & social impact architecture.